| Leave a Comment

Gawing Summer Adventure ang Pagnenegosyo !!!

Bagama’t karamihan sa mga kabataan ay nagbabalaak mag summer classes o maghanap ng summer job, wala na yatang mas exciting pa kaysa magtayo ng iyong sariling summer business! Taon taon, parami ng parami ang nakaka diskubre ng kakaibang adventure ng gimik na ito! Oo, negosyong pang-summer lang! 

Totohanan ito, pero enjoy, lalo na pag ka-sosyo ang barkada! Kapag nalugi, okey lang, ang saya naman. Kapag naman nag-click, lalong okey, pwede nyo na itong ituloy buong taon — tuloy ang ligaya!


Hindi naiisip ng karamihan na pwedeng ilagay ang personal business experience sa resume kapag naghahanap ng trabaho. Sa katunayan, mas interesante ito para sa isang job recruiter kumpara sa part-time job lang. Kung marami kang part-time job, ibig lang sabihin ay masipag ka o matindi ang pangangailangan mo.



Kapag may business experience ka, kahit panandalian lang, at kahil palpak, ibig sabihin ay may initiative ka, at determinado kang abutin ang mga pangarap mo. Sa totoo lang, dapat talaga requirement ang pagkakaroon ng experience sa pag-nenegosyo bago maka graduate sa highschool (o kahit sa college man lang, kahit sa hindi business course).

Kahit anong propesyon kasi ang pasukan mo, laging may aspeto ng negosyo --- laging may potensyal na mag-sarili at lumikha ng panibago at mas ikayayamang oportunidad para sa sarili sa legal na paraan. Maramin kasing mga mahusay na propesyunal na may magandang ideya sa business subali’t hindi maisalin ang mga ito sa realidad dahil sa kawalan ng business experience.

Kung may sapat lamang silang kaalaman at karanasan, ilang panibago at kakaibang negosyo na kaya ang naipundar nila--- at ilang panibagong trabaho na kaya ang nalikha nila para sa ibang tao? Sa pamamagitan ng iyong summer negosyo, madudugtungan mo ang kakulangang ito sa iyong edukason sa isang napaka-praktikal na paraan. Hinding-hindi mo kailangan ng malaking kapital dito, ang kailangan mo lang ay oras, lakas at magandang plano.

Hangarin mo ay kumita ng pera, pero ang mas mataas mong naisin ay tumubo ng maraming kaalaman bunga ng praktikal na karanasan.

Narito ang ilang payo para ito gawin: 


1. MAGING SOLUSYON SA PROBLEMA. 

Maghanap ka ng problema at hanapan mo ng mga solusyon. Marami niyan sa tabi-tabi. Bawa’t problema ay potensyal na oportunidad para gawan ng negosyo. Piliin mo yung solusyon na pwede mong ibenta at kaya mong puhunanan. Dapat simple lang, yung pwedeng maisakatupaaran sa madaling panahon at hindi na nangangailangan ng madugong research. Bukod pa rito, dapat madaling ibenta sa tao; mura, talagang kailangan, at madaling maintindihan.

2. PLANUHIN ANG PAGBEBENTA.

Ang pagbebenta ay hindi nagsisimula at nagtatapos sa pag-aalok lamang ng iyong produkto o serbisyo. Ito ay nagsisimula sa isip ng kostumer mo; marami siyang pangangailangan, paano mo idudugtong ang produkto mo sa isip niya? Bakit siya mag-aaksaya ng barya sa eksperimeto mo? Paano mo siya makukumbinsi ma bumili? Hindi nila kilala ang produkto mo, paano mo ipapakilala ang iyong produkto? Sa totoo lang, maraming magandang sagot sa mga tanong na ito. Ang kailangan lang ay mag-desisyon ka kung ano ang dominanteng karakter ng iyong produkto. Kailangan ba bagsak presyo sa umpisa? Free taste? Bagay ba na may cute na sales girl? Magandang packaging? Personalized ba o professional ang dating?

3. GAMITIN LAHAT NG RESOURCES NA AVAILABLE SA’YO.

Kung pwede kang magbenta sa loob ng eskwelahan, subukan mo. Magandang market yanb dahil hinddi basta-basta napapasok yan. Syenpre depende pa rin kung bagas sa produkto. Kung wala kang pang-upa ng pwesto sa labas, baka pwedeng maka libre kaya sa sidewalk ng pwesto na pagmamay-ari ng kaibigan ng pinsan ng classmate mo? Kung kailangan ng advertisement, baka pwede na ang pag print-out nito sa t-shirt na isusuot ng barkada araw-araw? Baka pwede mo rin i-market sa facebook, twitter, email at text?

4. MAGING "PROFESSIONAL", KAHIT AMATEUR PA LANG.

Kahit ekperimento lang ang negosyo, dapat professional kang makipag-usap lalo na sa kliyente o kostumer. Huwag kang mangangako ng hindi mo sigurado, huwag kang magsisinungaling tungkol sa kalidad ng produkto mo. Halimbawa, kung madaling mapanis huwag mong sabihing tumatagal ito ng tatlong buwan. Isusumpa ka ng kostumer. Perwisyo ang ibinenta mo, hindi solusyon.

5. HUWAG KANG MANGUNGUTANG.

May tamang panahon at dahilan sa pag-utang, subali’t habang eksperimento pa ang negosyo mo, magkasaya ka muna sa kaya ng bulsa mo. Hindi maganda yung tapos na ang summer adventure mo sa negosyo ay may humahabol pa sa’yong mga pinagkakautangan mo.

6. MAGHANDA SA PAGKALUGI.
Hindi ka nagnegosyo para malugi, subalit dapat handa ka rito emotionally kapag dumating ito. Mas maraming aral ang matututunan sa pagka-lugi ng unang negosyo kaysa sa kung unang subok pa lang ay asensado na. Subalit, kahit patok sa umpisa, karaniwang nauuwi pa rin sa pagkalugi. Normal ito at hindi dapat ikahiya. Ang mahalaga, dahil sa iyong karanasan, mas handa ka na sa hamon ng tunay na negosyo sa hinaharap. Kapag nagbalik-eskwela ka, mas matalino na ang magiging paghahanda mo sa susunod mong summer adventure sa negosyo.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...