| Leave a Comment

✪ 7 Kapalpakan na Dapat Iwasan Para Umasenso sa Negosyo!

TOTOONG masalimuot ang pagnenegosyo at walang isang diskarte na sasagot sa lahat ng gusot.

Minsan, sadyang hindi lang talaga maiwasang pumalpak dahil imposible mong ma-kontrol ang ilang mahahalagang bagay gaya ng galaw ng supply, sama ng panahon o nagbabagong panlasa ng mga kostumer.

Gayon pa man, may pitong kritikal na kapalpakan na bunga lamang ng pagiging emosyonal ng negosyante.

Kapag naiwasan mo ang pitong ito, madodoble agad ang tsansa mong umasenso sa sariling negosyo!



MAAGANG SUMUKO 
Walang pangmatagalang bagay ang nakukuha sa paspasan kaya’t sa umpisa pa lang ng pagnenegosyo, maging handa ka na agad na magtiis ng pagkainip. Tunay na buhay ito, hindi video game na pwede mong apurahin ang resulta. Sa totoo lang, kung sapat lang sana ang naging pag-reresearch mo bago pumasok sa negosyo, dapat mahaba ang pisi mo at alam mo kung gaano katagal hihintayin bago mabawi ang inilabas mong kapital. Matagal-tagal din makumbinsi ang mga kustomer na maging suki, kayat kung hindi ka handang maghintay, mas mabuting hwag ka na lang magnegosyo. Minsan kasi, kung kelan ka sumuko ay saka naman naguumpisang maging interesadso ang mga kostumer. May tamang panahon ng pagsuko, at yon ay dapat nakabase sa kumpirmadong impormasyon, hindi sa naduwag mong emosyon. 

MAG-LAUNCH NG WALANG PLANO
Sa isang banda, ang pagnenegosyo ay isang karera o unahan. Subali’t hindi ka kailanman mauuna sa negosyo kung wala kang masinop na plano. Totoong pera ang nakataya dito, hindi pwedeng bara-bara dito. Hindi pwedeng basta sugod ng sugod dahil excited ka at “sayang” ang pagkakataon. Walang umaasenso agad-agad, kaya’t huwag basta masilaw sa kislap ng oportunidad. May panahon para maging agresibo at yaon ay kung kitang-kita mo ang panalo hindi yung pikit-mata kang lulukso sa peligro.

MAGPAKA-BUSY AT KUMPLIKAHIN ANG PROSESO NG NEGOSYO KAHIT HINDI ITO NAGRERESULTA SA KITA 
Ang pinaka-mabigat na trabaho ng negosyante ay ang masusing pag-aaral at pag-iisip at hindi ang pagpapaka-abala sa kung ano-anong mga detalye na pwede nang iutos sa iba. Huwag kang manghinayang sa pa-sweldo sa tauhan para sa manual na trabaho. Sa halip ay manghinayang ka sa oras mo.

MAKI-SOSYO SA MGA HINDI NAMAN MAKAKAPAGSULONG NG NEGOSYO 
Napakalaki ng maitutulong ng kasosyo sa negosyo kung angkop ang kanilang kakayahan sa iyong pangangailangan at compatible ang inyong mga personalidad. Kung hindi gayon ang sitwastyon sa potensyal mong kasosyo, mas mabuting mag-isa ka nalang pumasok sa negosyo. Minsan kahit malapit na kamag-anak, kaibigan o kahit asawa mo pa ang kasosyo, madidiskubre mo na mas malaki ang kunsumisyong dulot ng pakikisama sa kanila kaysa sa kunsumisyon na dulot ng problema sa negosyo. Kadalasan, dahil sa ayaw mong makasakit ng damdamin, nakukumpromiso ang mga desisyon sa negosyo. Kapag palpak ang desisyon, walang humpay na sisihan pa kung minsan.

UNAHIN ANG “PRIDE” SA SARILING IDEYA AT KALUMUTAN ANG KOSTUMER 
Tandaan mo na sa sarili mong negosyo, hindi ikaw ang bida kungdi ang kostumer. Bagama’t oo nga, ikaw ang boss, mas mataas na boss ang mga kostumer na pawang panggagalingan ng kita mo. Kung seryoso ka sa pagiging negosyante, wasakin mo agad ang pride mo bago pa mawasak ang negosyo mo. 

KALIMUTAN MAGING BUKAS ANG ISIP 
Pumasok ka sa negosyo hindi para maglaro, kung hindi para kumita at umasenso. Malaking parte ng pag-asenso ay ang pagiging bukas ang isip sa pagkatuto at pagtanggap ng pagkakamali.

PERPEKTUHIN ANG NEGOSYO KAYSA MAG-POKUS SA AKSYON 
Ang negosyo ay hindi isang sining o art na dapat perpektuhin. Ang pokus mo ay kumita ng malaki, sa lalong madaling panahon, sa lalong maliit na gastos. Kung pumatok sa mga kostumer ang negosyo mo, magkakaroon ka ng oras para mas lalong pagandahin ang negosyo, poro unti-unti pa rin. Ang tunay na kailangan mong perpektuhin ay hindi ang negosyo kungdi ang pagiging negosyante mo.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...